Chapter 14

May mga pagkakataon na alam mong maganda o hindi magiging maayos ang takbo ng isang araw sa buhay nating lahat. May mga pagkakataon na hindi mo pansin, nakikinig at nakiki-usisa ka na sa ibang buhay ng mga tao, hindi dahil na-i-inggit ka pero dahil iyon na lang ang tanging paraan para malimot mo sa saglit na oras kung bakit kailangan mong magbanat ng buto.


Mag-i-isang linggo na rin simula nang sabihan ako ni Wis na doon na ako magtrabaho. Isang linggo na rin simula nang magkaroon ako ng payak na kita dahil mabait at madaling mapakiusapan ang kainan na tinayo nila.


Ilang araw ko na ring iniisip at pinapaniwala ang sarili na sa kaniya na mismo nanggaling... na kaya niya ako inalukan ng trabaho dahil kailangan ko at hindi dahil naaawa siya sa akin o kay Jose.


Noong una, ang hirap maniwala. Paano kung sinabi nga ni David sa kaniya, hindi ba? Pero may mapapala ba ako kung ipipilit kong itulak ang isang bagay na nakasandal na sa isang pader?


"Good morning," maligayang bati ko kay Ches nang tumawid ako papasok.


Agad siyang nag-angat ng tingin at ngumiti, "Ang aga natin, ah?"


"Bawal na ma late sa panahon ngayon.." tumawa ako at binaba ang hawak. Hindi pa ganoong bukas ang kainan pero dahil nandito na ako, puwede na magbukas si Ches.


Nagsimula ako tingnan ang ref kung saan nandoon ang mga gamit na gagamitin. Tiningnan ko muna kung sakto lang ba o sobrang kulang na dahil baka magipit kami kapag maraming mga tao. Agad ko sinabihan si Ches na kulang na kami ng ilang ulam at mabilis na bumalik sa kusina.


Simula nang mapunta ako rito, ganoon na ang routine ko kapag papasok o kaya mga gagawin bago umalis. Sisiguraduhin na sapat ang mga gamit o kaya mabilin kung ano ang mga natapos na sa susunod.


"Ossey, nandiyan na suki mo.." silip ni Ches sa pinto.


May mga bumibili na kaya ako na lang muna sa kusina. May radyo silang hindi nagagamit at ginagamit ko iyon pang patay ng katahimikan. Noong tinanong ko sila kung bakit hindi na nila iyon gamit, may mga telepono na rin kasi sila.


Wala akong ganoon e kaya siguro naisipan ko na ako na lang ang gumamit.


Saglit kong iniwan ang niluluto at sumilip mula sa labas. Agad nagtagpo ang tingin namin ni Aling Selia, isa sa mga araw-araw na bumili sa amin simula noong nagtrabaho ako.


"Magandang umaga, Aling Selia! Dati pa rin ba?" tanong ko.


Malugod na natawa ang matanda at tumango. "Sarapan mo lalo, hija! Alam mo naman na kaya ko pinipilit magpunta rito, hindi ba?"


Ramdam ko ang pagpula ng pisngi at tumawa na lang para itago iyon. Ayokong isipin nang matagalan ang sinasabi nila na masarap daw ako magluto. Baka kasi may magalit at hindi... naman ako masyadong naniniwala roon...


Kahit na si Wis at Ches na mismo nagsasabi..


Ginawa ko kaagad ang lagi niyang binibili at inabot kay Ches iyon, "Sabihan n'yo po kapitbahay ng i-try kami, ha? Enjoy your meal!" ani Ches.


"Kayo pa ba? Baka mamaya, may mga bata na bibili, sinabihan ko kagabi!"


"Naku! Salamat po talaga!" sabay naming dalawa.


"Salamat sa inyo at may masarap na nagbebenta ng pagkain dito!" humalakhak muna bago nagsimula maglakad palayo.


Nawala man ngunit naiwan ang ere sa aming dalawa, "Kung malaman ni Anny kung gaano ka magluto, she'll probably return all the money Louise gave to her.."


Uminit muli na parang takuri ang pisngi, "Grabe ka naman.."


"Joke lang!" tinapik niya ang balikat ko. "But hindi man masabi ni Wis, we're thankful you tried working here... dumami mga customer.. dahil din sa'yo.."


Kaysa sumagot, tinapik ko na lang siya at sinabi na babalik na ako sa kusina. Kung ano-ano na talaga sinasabi nila sa akin, natututunan ko nang maniwala!


***


Kakalabas ko lang ng banyo nang makita na may bumibili. Agad kong hinanap kung nasaan si Ches at nakita ko kaagad siya sa kusina, mukhang may hinahanap din.


"May bumibili.." usal ko sabay punas ng kamay sa suot na pantalon.


Hawak nito ang leeg at umiling, "Hindi bumibili iyon.."


Sa likod ng pintuan, kapag nakabukas, nandoon ang banyo. Hindi ko kaagad naaninag kung sino ang bumibili at anong hindi?


"Kumakatok.."


"Ikaw ang hanap..  kapatid mo ata."


Saglit nanlaki ang mata ko at dumeretso agad sa labas. Tama nga siya! Akala ko bumibili! Si Jose lang pala! "Ginagawa mo rito?" tumawid ako sa kabila.


Suot niya pa rin ang kung anong nakita ko sa kaniya bago kami magkahiwalay. Agad kong dinampi ang daliri sa pisngi para burahin ang dumi roon. "Paano mo ako nakita rito?"


"Dito ka lang naman pala pumapasok, bakit parang ayaw mo na malaman ko?" aniya.


"Hindi naman... pero.." sumulyap ako sa labas. "Break time ninyo?"


Tumango si Jose at tumingin sa menu, "Nagugutom ka ba? Ano gusto mo? Pabawas ko na lang sa kita ko.."


Saglit siyang pumili at sinabi kung anong gusto. Tinulak ko naman siya sa isang table sa tapat at mabilis na pumasok. Nadatnan ko si Ches na nasa kaha ng pera.


"What's his name?"


"Ah.." kumaway ako. "Jose. Bakit hindi mo sinigaw? Akala ko tuloy.."


"Nawala ka kaya bigla... Bawal sumigaw, magagalit kapitbahay.." tumawa siya. "Anong gusto niya?"


Binilinan ko siya na iyong bayad ng pagkain ni Jose ay iawas na lang sa kikitain ko. Pagkatapos noon ay hinanda ko ang pagkain at ang inumin saka binigay sa kaniya iyon.


"Sa'yo ay?"


Tinanong ko kay Ches kung puwede ba na samahan ko si Jose hanggang matapos siya at makaalis, basta raw babalik ako kung sakaling may bibili.


"Wala... Busog pa ako.." ngiwi ko at tinulak ko sa kaniya lalo ang pagkain. "Naku Jose, huwag mo ako masyadong isipin, ikaw mas importante."


"Naku rin Ossey, hindi porke mas matanda ka sa akin, pipiliin mo na rin na huwag kumain dahil lang doon? Tao ka rin naman kagaya ko, kailangan mo rin mabuhay sa paraang gusto mo akong mabuhay.."


Kahit malamlam ang pagkakasabi niya noon, dama ko kung gaano na siya inis sa akin dahil lagi ko iyon sinasabi sa kaniya. Minsan, oo, pansin ko rin naman na mas talaga prayoridad ko siya pero... anong magagawa ko?


Siya na lang naman talaga gusto kong manatili rito... siya na lang naman ang iniisip ko, siya na lang ang pinagdadasal ko na sana... na sana huwag siyang matulad sa akin.. siya na lang naman ang iniisip ko kung anong puwedeng ihain sa kaniya ng hinaharap.


Nakakainis... oo... pero hayaan na lang, puwede naman na akong tumalikod kapag nasiguro kong maayos na ang buhay niya.


Nanatili lamang iyon sa isipan ko, "Kumain ka na lang, Jose, gutom lang 'yan.."


Labag sa loob niyang tumuloy pero ano pang magagawa niya? Pinanood ko siya na kumain pero kinailangan ko rin umalis para magluto. Hindi na ako nakabalik dahil marami na ring bumili.


"Alis na ako, Ossey..." paalam nito.


Ginulo ko ang buhok niya sabay sabing mag-ingat sa daan. Pagka-alis niya ay dinala ko na sa basurahan ang pinagkainan at bumalik sa kusina.


Oh, tadhana, wala ka bang balak gawin na ikot sa buhay naming dalawa?


***


Kinawayan ko si Ches nang tumawid siya palabas ng counter. Tatlumpung minuto bago ang out niya ay aalis na siya kaagad kasi may bibisitahin pa raw siya sa hospital. Okay lang naman sa akin na maiwan dahil dadating na ang makakasama ko mamaya, o baka si Louise, hindi naman mahirap.


Pagkasakay ni Ches sa tricycle ay bumalik ako sa loob. Ilang saglit lang ay may mga bumili at pinagbentahan ko saka pinanood muli na umalis sila. Hindi pa man ako tapos sa paglalagay ng mga papel na pera nang makarinig ako ng tawanan sa tapat.


Normal na sa akin ang makarinig ng mga ganoon, dito kasi, malapit lang sa highway at laging dinadaanan ng mga tao. Puwedeng mga bibili o kaya napadaan lang talaga ang mga ingay na maririnig.


Pero ngayon, hindi laging normal na mga tao ang nakita ko. Saglit akong tumigil sa ginagawa habang pinapanood ko si Louise at Sean na inaalis ang suot nilang helmet at pinatong sa may motor.


Awang ang labi ko nang magtagpo ang tingin namin ni Sean. Nagulat man pero kumaway din siya kaagad at tinapik si Wis sabay takbo palapit sa akin.


Nilibot niya ang tingin sabay balik sa akin, "Akala ko nanloloko lang si Vaflor na nandito ka nga talaga.."


Hindi ako makapaniwala sa nakita. Oo, minsan ko na lang makita si Wis simula nang magsimula ako rito pero handa naman ako kung sakaling dumating siya pero... siya? Si Sean? Ngayon na uli kami nagkita!


Hindi ko alam ang sasabihin kaya kumaway na lang ako. Bumugso ang tawa sa kaniya kasabay ng pagpalit ng tingin ni Wis sa aming dalawa.


"Si Ches?"


Sumulyap ako sa likuran, "Ah. Nauna na. May dadalawin daw kasi sa hospital, kaya ko naman maiwan dahil may nakahanda na ako sa loob."


Pinapanood lang ako ni Sean habang si Wis ay tumawid at tumabi sa akin. "Sean, anong gusto mo? Kakain ka ba?"


"Sure! Ano bang mga available?"


Hinila niya ang upuan para maupo sa tapat ng counter. May table sa tapat ng counter at puwede kumain doon. Tinuro ko naman ang mga available at iyong dalawa na wala pang stock.


"Siosilog na lang, Ossey.." bitaw niya. "Tubig na lang ang drinks, masakit pa tiyan ko sa alak kagabi.."


Tumawa ako at mabilis na tumango. Pagpasok ko sa kusina, natagpuan ko si Wis na mukhang kakasuot ng bagong damit. Muntikan na 'yon! Buti hindi niya ako nakitang nagulat!


"Um-order si Sean, kakain ka rin ba muna?" sabi ko sabay angat ng kay Sean.


"Thank you, Ossey pero busog pa ako.." tango niya pagkatapos at mabilis naman ako bumalik sa labas. Natagpuan ko na nasa telepono ang focus niya.


"Sean oh.." sabay tulak ko ng pagkain at tubig sa kaniya. Binitawan naman kaagad ang telepono at kaagad na bumalik sa loob. Hindi rin ako nagtagal doon dahil may mga iilang bumili na.


Napansin ko si Sean na may suot nang sumbrero at halatang nagtatago sa mga katabi niyang tinatapunan siya ng tingin. Gusto kong matawa pero ang pangit naman ngayong maraming bumibili.


Humupa rin kaagad ang mga bumili at dinaluhan ni Wis si Sean sa kabila. Gusto ko sanang tanungin kung saan sila galing o kaya bakit hindi na nakakadaan si Louise rito pero wala naman akong lakas para magtanong..


Sinubukan kong ipokus ang sarili sa maliit na pusa na sabi ni Ches ay pampaswerte nang tawag na pala ako ng dalawa. "Ha?"


"Kumusta ka?"


Maliwanag ang ngiti ni Sean nang sabihin iyon. O nang inulit iyon. "O-okay naman.. bakit?"


"Nothing. Gusto ko lang magtanong. It's been a while.." tumawa silang dalawa.


"Kaya nga e.." nag-iwas ako ng tingin. "Ngayon ko na lang din nakita si Wis.."


"We're busy, Ossey.." taas-baba ang kilay niya. "Pero mukhang okay naman kayo rito kahit wala ako, which is a good thing."


"Mabilis lang naman ako matuto.." ngiti ko.


Inangat ni Sean ang tinidor, "Taka pa rin ako kung paano ka tinulak ng tadhana papunta rito... Sabi ni Wis, hindi mo alam na siya ang isa sa may-ari rito?"


Tumango ako. "That's fate, pare!" halakhak niya. "Akala ko nga hindi ka na namin makikita after noon sa bahay ni David.."


Kinagat ko ang labi. Puwede ko naman tanungin si David sa kanila, hindi ba? Pero baka kung ano ang isipin nilang dalawa. Ah. Siguro itanong ko na lang kung kumusta silang lahat.


Wala rin akong ideya kung bakit hinahanap ko si David. Sigurado naman na maayos ang lagay niya! Sa ganda at rangya ng buhay niya? Kung kaming dalawa ang nasa buhay niya, walang araw na hindi namin mararamdaman na okay kami.


"Kumusta pala kayo? Ikaw Sean? Hindi ka nagsasalita noong huli tayong nagkita.."


"Nawala ka kaya noong araw na 'yun.."


Bumaha ang ala-ala sa akin. "Nakatulog ako sa taas.." tawa ko.


"I'm good. I'm doing good. Busy sa banda, sa buhay.." bumaba ang tingin niya. "And oh! Nabanggit nga pala ni David na okay na kayo? Mabuti naman! I'm grateful!"


Tinapunan ko ng tingin si Wis na nilalaro ang lalagyanan ng mga toothpicks. "Salamat. Oo. Kasama ko na siya at mabuti wala nang naghahabol sa amin... sa awa ng Diyos.."


"Where is he by now?"


"Nasa bahay na sigurado.."


Tango siya nang tango, "Kuwento mo kung anong nangyari noong gabing iyon, hindi niya sinasabi sa amin, e."


Si David? Bakit?


"Sean.." tawag ni Wis. "Baka hindi okay sa kaniya.."


"No!" agap ko. "Ah... okay lang naman sa akin... walang kaso.."


Kita kong sinipang pabiro ni Sean ang kaibigan. Nagsimula ako magkuwento at saglit nga lang dahil hindi ko na rin tanda masyado ang linggong iyon. Nasa kalagitnaan ako nang biglang may bumili.


"Saglit lang, Sea—"


"Continue, Ossey. Ako na.." mabilis pa na tumawid si Wis at kinuha ang mga orders ng bumili. Kahit na ginawa na niya iyon ay tahimik pa rin ako.


"Is that all? Gago talaga ni David, akala ko kung ano na at ayaw niyang ikwento.."


"B-bakit?"


Nag-angat siya ng balikat, "Don't know. He's still stressed about the case he's under with.."


"Kaso?"


Biglang naputol ang tingin niya sa akin. "Hindi mo alam?"


Hindi naman siguro ako magtatanong kung alam ko, hindi ba? "Wala iyon. Patapos na siya. Siguro sa makalawa o sa susunod na mga araw... hindi namin siya kasama simula last week... busy..."


May itatanong pa sana ako kasi hindi niya nabanggit nang maayos kung anong kaso ang sinasabi niya na nadawit si David... kaso ng ano? Kaso sa korte? Kaso saang bagay? Biglang may tumawag sa kaniya at hindi ko na natanong pa.


Nasakto pa na dumating ang kasama ko at sinabihan ako ni Wis na puwede na akong mauna. Hinanap ko si Sean pero wala na ang pagkain niya at ang anino at mukhang nauna nang umalis.


Sayang. Gusto ko pa sanang itanong kung.... okay lang ba talaga si David..


***


"May sulat para sa'yo.."


Tumingala kaagad ang tingin ko at nakita si Jose na may hawak na papel. Sinara niya ang pintuan at saka naupo sa tabi ko. "Mukhang pinapaalis ka ata, ah?"


"Saan?"


Pansamantala binaba ang ginagawa. Umaga na at hindi pa man sumisikat ang araw ay gising na kaming dalawa. Mamaya ay bibili na kami ng umagahan bago tumulak sa gagawin ngayong araw.


Kinuha ko ang sulat at sa kaniya at agad kong nakilala kung kaninong sulat ang pangalan ko sa harap nito. "Louise?"


Umalis si Jose sa harapan, agad kong binuksan iyon at binasa ang loob. Para akong aatakihin sa puso dahil baka tama ng hula si Jose pero nang mabasa ko na... na kahit huwag muna raw ako pumasok dahil silang dalawa ni Ches para sa ngayon.. puwede naman daw ako bumalik sa Lunes, gusto niyang magpahinga ako.


Malalim akong huminga. "Ano nakalagay? Sasama ka na sa kung saan ako nagbubuhat?"


Tumawa ako at iniling ang sulat sa harapan niya. "Tara na, wala akong pasok hanggang bukas. Mamalengke na rin ako ngayon.."


"Sama ako.."


"May pupuntahan ka ngayon, hindi ba?" tanong ko. Ginulo ko na lang ang buhok niya at hinila siya palabas. Ang malamig na hangin ang sumalubong sa akin. Sana nga ganito lagi ang Maynila pero hindi, e.


Kapag umangat na ang araw, kasabay na rin ang pag-angat ng nakasusulasok na hangin.


Hindi na ako nagtanong pa patungkol sa sulat na natanggap. Siya kaya ang nag-iwan noon sa labas? Puwede naman niya akong... ah... wala nga pala akong cellphone..


Kung bumili kaya ako? Kahit de pindot lang? Hindi ko naman kailangan kung ano 'yung mga telepono nilang lima dahil sigurado ako na mahal iyon. Wala rin naman akong paggagamitan noon bukod sa text lang sa mga taong kilala ko.


Si Jose... mag-iipon muna ako.. alam ko na gusto na rin niya ng isa pero wala, e..


"Good morning, Ma'am! Ano pong sa kanila?"


Malamig na ang mall pero mas malamig pa rito sa loob ng bentahan ng mga gadgets. Ngumiti ako sa lalaki at nilibot ang tingin.


Tumambad sa akin ang mga bagay na sigurado hindi mapapasa akin. Mapait akong ngumiti at tumingin sa tabi, "Kuya, anong mura ninyong cellphone rito?"


Saglit siyang natigilan pero agad din namang nakabawi, "This way po.."


Sinundan ko naman siya at tumigil kami sa hile-hilera ng mga display ng de pindot na mga cellphone. "Puwede kong i-test?"


"Sure po!"


Nagsimula ako tumingin ng iilan, kinakapa, sinusuri at tumitingin ng mga presyo. Ang iilan ay naglalaro sa tatlong daan pataas sa anim na daan. Konti lang ang pera ko at siguro sapat na iyong hindi tataas na limang daan?


Hindi pa man ako nakabibili, nagsisisi na ako sa gagawin. Ano nga bang gagawin ko sa telepono kung wala naman kaming dalawang ganoon?


"May napili na po ba kayo?"


Bigla akong nahiya, "Ito na ang pinaka mura ninyo?"


"Opo, e.. Pero may mga magagandang choices po... Baka gusto ninyo ng mga touch screen phones? Hindi hamak na mas maganda kaysa sa mga ganito.." ngiti niya.


Umiling ako at humingi ng sorry. "Sa panaginip ko lang makabibili ng tinutukoy mo, kuya... Kulang pa pera ko, e.. Balik na lang ako.."


Bakas sa mukha niya ang pagka dismaya ngunit ngumiti rin at sinabi na okay lang. Bigo akong lumabas ng shop nila at pansamantala na naglibot bago lumabas at dumeretso ng palengke.


Hindi pa man ako nakakalabas ng harapan ng mall nang makita ko ang isang pamilyar na kotse. Hindi ako puwedeng magkamali... kotse iyon ni David!


Ilang araw din kaming nagkasama at memoryado ko ang numero ng kotse niya! JRE-127 ang kaniya at iyon ang nasa hindi ko kalayuan!


Biglang sumibol ang pag-asa sa puso ko dahil puwede ko siyang kumustahin o kaya lapitan pero agad din binawi ang hindi pa man nangyayari...


Lumaki akong walang nakakasira sa paningin ko at malinaw ang tingin ko sa paligid... Nagpapasalamat ako roon dahil nakikita ko lahat ng tao sa paligid, mga mukha nila, ngiti, at paggalaw.. nakikita ko rin kung paano lumaki si Jose at kung paano ko siya malinaw na nababantayan.. lahat malinaw..


Pero sa pagkakataon na 'to, bigla kong sinuklaman ang malinaw na bisyon ng paningin dahil kitang-kita ko na may inalalayang babae si David pababa ng kotse niya.


Kirot ang naramdaman ng puso ko kahit na hindi naman dapat. Agad akong naglakad palayo para hindi na nila at sila makita pa. Ngunit nang lingunin ko sila sa huling pagkakataon, kita ko ang pagpatong ng kamay niya sa bewang nito.


Lord... bakit ko nararamdaman ito kung hindi ko naman dapat maramdaman?

Comment