Chapter 7

"Ossey, ano 'to?"


Tahimik akong nanonood ng mga nagsusugal sa harapan ko nang hilain ni Jose ang laylayan ng damit ko.


"Saan?" sabi ko na hindi inaalis ang tingin sa mga baraha.


"Kung tumingin ka kaya rito?" hindi ako muna gumalaw at hinintay na magbagsak ng baraha ang isa sa mga naglalaro.


"Tangina mo pare! Wala na akong pambili ng bigas!" umugong ang tawanan sa lamesa kaya nakitawa rin ako.


"Saan ba?" ani ko sabay tingin sa kaniya.


May pinakita siya sa akin na papel, pamilyar na papel. "May idedemanda ka?"


Agad kong kinuha iyon saka tinitigan. "Saan mo nahanap?"


"Sa luma mong short, biglang nadulas sa bulsa nung kinukuha ko damit ko kanina," nanliliit ang mata niya.


"May idedemanda ka?"


Ito 'yung binigay sa akin na business card daw noong nakaraang taon! 'Yung nakausap ko na dalawang abogado!


Naalala ko na nga! "Wala. Naalala mo iyong hinila mo ako para makiusyoso sa korte noong nakaraang taon?"


Nag-isip muna siya, "Tungkol sa nagsaksakan noon?"


"Oo. Nawala ka noon sa mga tao kaya tumambay ako sa gilid." ngumiti ako. Wala lang, naalala ko lang kung paano sabihin nung lalaki na kung ako raw ang anak niya ay hindi niya ako hahayaan sa labas.


Nasaan na kaya siya? Nandito pa rin kaya sa address nito? Law firm? Hindi ko man batid iyon ay biglang nagliwanag ang damdamin ko.


Kwinento ko sa kaniya ang nangyari, hindi ko ata nakwento dati o baka oo, o baka nakalimutan niya lang. "Kala ko nga nawala 'to, e."


"Importante sa'yo 'yan ha?"


"Puwede rin. Minsan lang kasi may naging mabait sa mga katulad natin, may iilan na mababait na mga propesyonal."


"Okay.." suko niya. Tinago ko iyon muli at bumalik sa panonood.


Nagpatuloy ang gabi sa aming lahat. Alam ko na dapat matutulog na kami dahil may trabaho pa kaming dalawa bukas pero sayang naman kasi ang bigayan ng pagkain dito sa burol sa kalapit namin.


Kaya nang nabusog kami ay umalis din kami kaagad. Sinabihan pa ako ni Jose na kumuha siya ng maraming candy para baon daw.


Natuwa naman ako at ngumiti sa kaniya, "Kapag nagsweldo na tayo, bibili na talaga tayo ng sa atin, okay?"


"Yey!"


Kinabukasan, naunahan ko si Jose na magising. Iniwan ko muna siya sa kama namin bago ako lumabas para tumingin ng puwede naming almusal.


Kailangan namin kumain dahil hindi namin alam kung mag-uumpisa na kami agad mamaya. Baka matanggal kami kung sakaling pumasok kami na gutom.


Pagsara ko ng pintuan ay nakarinig ako ng yapak sa likuran. "Huy, ang aga natin, ah?"


Namataan ko si Marvin na papalapit sa akin, may hawak na kape sa kaliwang kamay habang nakapamewang.


"Good morning?" aniya.


"Magandang araw," ngiti ko. "Sa'yo rin, ang aga mo rin ngayon, ah?"


Biro ko lang iyon dahil alam ko na lagi siyang maaga. Marahil si Jose ang nakikita niya lagi tutal siya ang nauunang magising sa aming dalawa.


Humalakhak siya. "Raket? Ganitong oras?"


"Hindi!" ngiwi ko. "Bibili ako almusal. Kailangan mag-umagahan."


"Wow. Bakit? I mean, what for? May raket kang big time ngayon?"


Kung puwede lang ay tumalon ako sa tuwa. Paano kaya ako nakatulog kagabi e alam ko na iyong sweldo ang laging bumabagabag sa akin!


Limang digits lang naman para sa trabaho na binabanggit niya! Ang laking pera! Mayaman siguro ang boss nila!


"Parang ganoon na nga pero hindi pa namin sure. Titingnan namin mamaya,"


"Namin? Kasama si kapatid?"


"Oo.."


"Child labor is highly prohibited, Odyssey. Ikaw ay pwede dahil nasa legal ka na na taon." sinalo niya ang huling patak ng kape.


"Alam ko naman iyon pero..." nagkibit balikat. "Matagal naman na kaming gumagawa ng illegal kaya hindi na bago.."


Tumawa ako para kahit papaano ay maging kapani-paniwala ang sinabi. "Ikaw talaga.. Basta mag-ingat kayo, ha? If it is legal, mabuti. Kung hindi, huwag lang kayong magpahuli."


Sumaludo ako sa kaniya at humakbang paatras, "Sure! Hindi ko kayo idadawit dito!"


Kaysa sumagot, malaking ngiti na lang ang ginawad bago nagmartsa paalis.


***


"Ano kayang naghihintay sa atin doon, no?"


Mainit na nang nagsimula kaming maglakad palabas. Pwede naman kaming sumakay ng tricycle o pedicab pero dadaanan pa namin ang kalaro ni Jose at mukhang malapit naman kaya huwag na.


"Pera?" tumawa ako sabay lapit sa kaniya. "Hindi na rin ako makapag-hintay,"


Tumigil kami sa tapat ng bahay ng pakay namin. Hinayaan ko si Jose na kumausap habang nililibot ang tingin.


Marami nang bata ang naglalaro sa labas. Tila walang problema na iniisip. Sana puwede na lang ganoon, no? Kapag ayaw mo na wala kang iniisip, mananatili ka na lang bata.


Kahit isang pangarap man lang sana ay matupad sa akin. Pero wala, e. Sadyang kaydamot ng tadhana.


"Jose? Kayo na ba 'yan?" napatitig ako sa nagsalita.


Isang bagong ligong lalaki ang nasa pinto at nakatingin sa amin. Hindi ko siya kilala pero mukhang ito ang tinutukoy na kuya niya na nakapasok sa trabahong tinutukoy niya?


"Kami nga po..." tinanong niya kung nasaan ang kalaro at sinabing nagsimba raw.


Napatingin naman sa akin si Jose, "Paano po 'yan? Sabi niya sasamahan niya kami para sa trabaho na sinasabi niya.."


"Ah! 'Yon? Ako na lang magsasama sa inyo, tutal natanggap na rin naman na ako roon!"


Lumiwanag ang mukha ko. "Talaga?"


Tumango ang lalaki. "Saglit lang at magbihis ako.."


Pinanood namin siyang mawala kaya nakampante ako sa posisyon namin. Wala pang sampung minuto ay lumabas na siya na may pandesal sa bibig at palad.


"Gusto niyo?" alok niya sa pagkain.


Mariin naman akong umiling. "Salamat na lang pero kumain na kami.."


"Sabi niyo, e.." sabay panguna na sa paglalakad namin. Mahigpit akong hinawakan ni Jose at matamis na ngumiti.


Sana ito na nga...


***


"Ang dilim.." bulong ko sa sarili pagdating namin sa isang malaking bodega. Hindi pamilyar sa akin ang lugar pero mukhang nadadaanan namin noon pa, hindi lang napapansin.


"Mamaya liliwanag din, baka wala pang ibang tao." paliwanag nito na mukhang narinig pa ako sa binulong.


Ilang saglit lang ay biglang lumiwanag ang lahat at nakita ko ang kaban-kaban na mga container sa paligid. Kaya pala nauntog si Jose kanina. May mga malalaking container na hindi ko alam kung anong laman.


"Tara sa office? Nandoon na ata sina boss.."


May kulay puting pinto mula sa hindi kalayuan. Doon ay naunang pumasok ang kasama at nanatili kami sa labas.


Sumingaw ang ulo niya mula sa loob at inaya na kami sa loob.


Malinis ang buong kuwarto, puro papel ang bawat sulok at sa pinaka gitna ay isang malaking lamesa at lalaking nasa hula ko ay nasa singkwenta na.


Nagsalita ang lalaki at pinaharap kami sa kaniya. Natutop ang bibig ko habang nagsasalita siya. Pansamantala ko siyang pinakiramdaman, at nang walang maramdamang panganib, kumalma ako.


Binanggit niya ang mga puwedeng trabaho naming gawin. Mabilis na nakapili si Jose at ako na lang ang hinihintay.


Literal na nasa akin ang tingin ng lahat kaya agad din sinabi kung saan ko gusto. Tumango ang 'boss' na sinasabi niya sabay angat uli ng tingin.


"Kaya niyo bang magsimula ngayong araw?"


Agad kaming tumango at may binigay siyang kulay pula at bughaw na pin. Gusto ko pa sanang magtanong pero inaya na niya kaming lumabas at ihahatid sa mga napili naming trabaho.


Tahimik lang ang kasama naming lalaki, hindi mawari kung masaya ba siya sa trabaho o hindi. Hindi na lang ako nagsalita.


***


"Nagugutom na ako Ossey..."


Tahimik naming binabaybay ang daan pabalik ng bahay. Madilim na, mabigat na ang traffic sa tabi at nagkalat na ang mga tao na pinili na lang maglakad dahil hirap sumakay.


"Tara, kain muna tayo.." pinilit ko siya sa tabi at hindi tumingin sa kaniya.


Kakatapos lang ng trabaho namin para sa boss na binabanggit nila. At sa totoo lang? Hindi ko alam kung anong dapat maramdaman.


Parang trabaho ko lang sa mga raket anf nandoon, ang kaibahan ay hindi lang siya magtatapos ng isang araw. Tuloy-tuloy 'yun kaya maganda sana kaso...


Hindi ko alam.. Hindi ko maipaliwanag kaya hindi ko masabi.. Bahala na... Basta wala pang nangyayaring masama, mananatili kami roon.


Bumili muna kami ng pagkain, kumakain na siya kahit nasa daan pa lang kami. Pagdating sa bahay, nagpahinga muna ako saglit bago napagpasyahan na gumamit ng banyo.


Nang matapos sa pagligo ay si Jose naman ang sumunod na pumasok doon. Kumain ako habang nagbibihis. Kinampante ko ang sarili sa kama naming dalawa at pinikit ang mata.


Wala pa akong masyadong nagagawa pero pakiramdam ko.... may mali sa ginawa at pinasok naming dalawa.


Mahimbing na natutulog si Jose sa tabi ko, kakahiga niya lang kanina pero tulog na siya kaagad. Sana ako rin. Pagod din ako pero hindi ako makatulog dahil sa kung anong nararamdaman ko.


Binilin ko naman na sana hindi illegal ang binigay sa amin pero bakit pakiramdam ko... isa iyon sa hindi niya nasunod.


Puwede pa naman siguro kaming umayaw kung kailan namin gusto? Wala akong masyadong alam sa karapatan o batas pero wala naman kaming kontrata na pinirmahan.


Kapag hindi pa nawawala 'tong nararamdaman ko kapag tumagal kami ng isang linggo... ayoko man... aalis na kami.


Oo, kailangan namin ng pera pero ang itaya mismo sa kataka-taka na trabaho ang buhay naming dalawa?


Mas pipiliin ko na magraket na lang. Kahit pa-isa isang araw lang.


***


"Huy, bakit hindi ka kumakain?"


Tinapik ko si Jose na nakatitig lang sa ulam at kanina niya. Tanghali na at may tanghalian kami na break kaya umalis muna kami roon para kumain.


Mali, si Jose lang ang kumakain. "Bakit hindi ka rin kumakain?"


Napatitig ako sa harapan ko, kaysa sa mga iba, walang pagkain doon. Nakatitig lang ako sa kawalan, hinihintay siya na matapos.


"Busog pa ako, Jose. Ano ka ba.." inayos ko ang buhok niya.


Kahit papaano, nawawala na ang takot sa loob ko. Magdadalawang linggo na kami sa trabaho na binigay sa amin, at aaminun ko na may katiting pa rin na naiwang takot sa puso ko.


Kailan ba iyon maaalis?


"Wala ka ngang masyadong nakain kaninang umaga, busog?" may kung ano sa tingin niya na hindi ko mawari. Pero may isa na alam na alam ko.


"Okay nga lang ako, kung gusto ko rin kumain, kakain din ako, kaya tuloy ka na diyan para makabalik na tayo."


Ilang pilit pa ang ginawa ko bago ko siya napagpatuloy sa pagkain. Pero kahit nakabalik na kami ay malungkot pa rin siya sa hindi ko pagkain.


Kung alam ko lang na ganito ang mararamdaman ng kapatid, sana kahit maliit lang ay kumain ako.


Bahala na. Hindi naman talaga ako gutom at saka wala ako sa panahon para kumain.


Nasa kalagitnaan ako ng pag-alis nitong nasa loob ko.


"Pare... psst!"


Hindi ako ang tinatawag pero napahanap ako sa nagsalita. Nasa likuran ko iyon at ang katabi ko ang kausap niya. Bumalik ako sa ginagawa kasi hindi naman ako ang kausap.


"Bakit?"


"Narinig ko na papapirmahan tayo ng kontrata mamaya.."


Napalunok ako. "Ano?" humarap ang katabi sa likod nito.


"Hindi ko alam kung totoo pero narinig ko kanina noong dumaan ako sa kuwarto ni Boss? Lahat daw tayo, para wala daw kawala at walang reklamo kung sakaling may mangyaring iba."


Parang bumagsak ang buong temperatura sa katawan ko. Wala siyang masamang sinasabi pero common sense na! Pinapapirma kami para wala kaming magawa kung sakaling may mangyaring masama!


Hindi ko na sila hinintay magsalita at mabilis na hinanap si Jose. Kailangan niyang malaman 'to dahil kung hindi, baka mahila siya ng kung sino rito.


Wala kaming pinag-aralan, oo, pero hindi ko naman papayagan na kontrolin kami!


Sa punto ngayon, wala na akong pakialam sa bayaran na mangyayari o sa kung ano pa! Ang importante ay makaalis kami dito mamaya!


Nahanap ko siya na tahimik na naglalagay ng mga pagkain sa mga kulay asul na supot. Wala siyang kasama kaya agad ko siyang natawag at nahila papasok sa isang banyo.


Balisa kong inikot ang paningin, kasi baka may camera kahit na sa banyo. Nang masiguro na wala, nilapitan ko siya na gulong-gulo ngayon.


"Bakit?" inabot niya ang noo ko para punasan ang pawis doon.


Napapikit ako sabay luhod sa harapan niya, kailangan namin maging tahimik kundi may makakarinig sa amin.


Alam kong mali na umalis kami sa mga trabaho namin pero ano pang pakialam ko?! Matatali kami mamaya!


"Mayroon ka bang naririnig na patungkol sa mga kontrata?" sinabihan ko siya na huwag niyang itaas ang boses. Halos bulong na ang natutulirong tanong kong iyon.


"Ha?" walang ideya niyang sabi.


Napailing ako. "Hindi na importante pero Jose, narinig ko mga kasamahan ko na nag-uusap tungkol sa papapirmahan tayo ng kontrata! Baka mamaya ay mangyari 'yun!"


Wala pa rin siyang ideya sa sinasabi ko. "Tapos?"


"Hindi mo ba kuha? Kapag natali tayo sa kontrata, puwede tayong makontrol! Hindi tayo makakapag salita kung sakaling may mangyaring masama!"


Hinawakan ko siya lalo sa balikat, "Jose, oo, hindi abogado ang kapatid mo pero alam ko na mga ganitong paraan. Bubusalan nila tayo pero sa paraan ng tinta ng pluma! Hindi mo pa nagets?!"


"Paano kung hindi naman totoo? Ossey, sayang ang bayaran, hindi ba gusto mo na mak—"


"Mas importante kapakanan natin kaysa pera, Jose. Pera? Puwede ko pang kitain iyan sa iba, na panatag ako sa loob pero ito? Papatayin ako sa kaba!"


Matagal na katahimikan ang nanaig sa akin. "Patawad kung tuliro ako nitong mga nakaraang araw. Nangako ako na kapag wala pa lang masama rito, tatahimik na ako. Pero Jose... mas natakot ako sa pwedeng mangyari.."


Pilit kong pinapaintindi sa kaniya ang nangyayari at sa awa ng Diyos ay nakuha niya rin. Nag-isip na kami ng plano kung sakaling mangyari nga mamaya ang kinatatakutan.


Panigurado wala kaming kawala kapag natapos na ang oras ng trabaho, kung totoo ngang may magaganap mamaya.


Hindi man namin madalas nakikita ang boss nila rito, alam ko na nakakatakot na sila. Noong unang araw, kahit panatag ang hangin sa paligid, ramdam ko ang takot ng kasamahan noong ipinakilala kami.


At kahit kalmado ang boses nito, walang kawala kung nakakasulasok ang ugali.


Bumalik kami kaagad sa trabaho at mabuti walang nakapansin. Maski ang dalawa na kinuhanan ko ng impormasyon ay hindi ako napansin na umalis.


Anong napag-isipan nila? Sana huwag silang mabulag sa laki ng pinangakong pera. Dahil hanggang ngayon, walang nakakapag patunay na ganoon nga kataas ang bayaran.


Bawat segundo na lumilipas ay para akong tatakasan ng bait. Habang nawawala ang araw, nagsisimula na ring mawala ang mga lakas sa katawan ko.


"Tapos na trabaho niyo! Sumunod kayo sa akin sa likod at may surpresa ang boss sa inyo!"


Umakyat ang libo-libong kuryente sa likuran ko nang marinig iyon. "Ang bagal! Bilisan niyo!"


Agad akong napatayo at iniwan ang ginagawa. Kinuha ko ang bag at mabilis na sumunod sa kanila. Hinanap ko si Jose at tinakbo ang puwesto kung nasaan siya.


"O-ossey.." kabado niyang gitgit sa akin.


Tama lang ako. Tama lang ang mga naiisip ko.


"Sundin mo lang ang napag-usapan natin kanina, okay?" hinalikan ko ang ulo niya at nagpatuloy sa lakaran.


Wala na ang araw at mas lalo lang binalot ng kadiliman ang puso ko. Hindi kami pwedeng makaalis sa puwesto namin dahil ang mga daan palabas ay bantay sarado.


Bantay sarado ng mga lalaking may dalang baril.


Nadali na. Sabi ko mali 'tong pinasok namin.


Wala pa ang boss nang maayos kami roon. Doon ay kumuha ako ng pagkakataon para maghanap ng paraan para makalaya sa kanila.


Kung hindi kami makakaalis sa gate ay aakyat kami sa mga pader. May harang o wala, wala na akong pakialam.


Isa lang ang kailangan namin magawa ngayon. Ang makaalis.


"Ossey.. Ossey.." tinapik niya ako kaya agad akong lumuhod para maabot niya ang tenga ko.


"Hindi tayo makakalabas gamit ang entrance, sa pader tayo dadaan at doon tayo aakyat kapag natyempuhan na wala ang mga lalaki."


Pasimple niyang tinuro ang pader sa hindi kalayuan sa akin. Walang mga harang iyon at lakas ng katawan ang kailangan para maabot ang bakal para suportahan ang sarili na makaakyat.


Iniisip ko pa lang ay parang hindi ko na kaya.


"Sa akin madali na 'yan pero Ossey… hindi kita kayang mabuhat dahil baka maabutan tayo... Kaya mo ba?"


Pinaghalong takot at kaba ang tingin na pinukol ko sa kaniya. Kaysa ibaba lalo ang nararamdaman, ngumiti ako at tumango. "Basta makaalis lang tayo,"


Napabalik ako sa pagkatayo nang biglang umugong ang malakas na tawanan. Mula rito ay ang boss namin na may kasamang dalawang lalaki.


At tama nga lang ako. Ang kasama ko kanina. Dahil nabanggit niya kaagad na isa-isa kaming pipirma sa kontrata na hawak ng isang lalaki roon.


Parang biglang may pumindot sa utak ko at ang tangi ko na lang naririnig ay ang malalakas na hakbang ko para makalayo sa posisyon nila.


"Habulin niyo sila!" parang kulog na sabi ng boss sa amin.


Nakalusot kami sa mga armadong lalaki at dali-daling pinuntahan ang pader na tinuro ni Jose.


Tila walang hirap na ginawa ni Jose ang pag-akyat, para akong tinubuan ng ugat sa kinatatayuan. "Ossey! Wala na tayong panahon para titigan ako sa pag-akyat! Nandiyan na sila!"


Naalerto ang buo kong pagkatao at mabilis akong naghanap ng paraan. Halos pikit-mata ko iyon nagawa hanggang umapak ako sa malaking bato at iyon ang naging tulay para maangat ko ang sarili.


Tumalon na sa kabilang pader si Jose at iyon din ang sunod kong ginawa.


Bago pa kami makapagpatuloy sa takbo, isang putok ng baril ang nagpakawala sa bait ng pagkatao ko.


"Takbo!"

Comment