Chapter 9

Abot-abot sa langit ang takot sa puso ko. Na kahit tinago niya ako, na kahit binusalan niya ako gamit ang kaniyang palad, nandito pa rin ang takot sa loob ko.


Diyos ko, ano ba 'tong napasok ko?


"Saan ka galing?" lumabas sa kusina ang lalaki at may inabot sa akin na baso.


Mariin akong humindi sa alok niya. Nagtaka man siya pero hindi na niya iyon pinilit pa. "N-nakita mo ba si Jose?"


Hindi ko alam kung bakit ako pumayag na sumama sa kaniya. Dito sa bahay niya, dito muna raw ako manatili dahil kung mananatili ako sa labas.. baka makita ako.


Talaga bang hinahanap ako? Kami? Pero hindi naman kami dapat habulin! Hindi kami nakatali sa kontrata! Wala kaming pinirmahan!


"Sabi ko sa'y—"


"Sagutin mo na lang!" hindi ko na napigilan ang sumigaw.


Ngunit hindi man lang siya nasindak. "Ossey, alam mo na mal—"


"Mali? Ako pa ang mali? Kami pa ng kapatid ko?" tumayo na ako. "Sinubukan nila tayong itali, sinubukan nila tayong busalan sa bibig! Para ano? Para walang mangyaring masama sa kanila kapag may naging hinaing tayo?!"


Walang reaksyon ang kanyang mukha. "Oo, hindi ako edukado kagaya mo o kagaya ng iba pero alam ko ang karapatan ko."


Nagsimula na akong maglakad palayo pero pinahinto niya ako. "Sa oras na humakbang ka uli sa labas, wala na akong tulong na maibibigay sa'yo."


Natawa ako sa narinig. "Ni kahit isang segundo hindi ko hiningi ang tulong mo,"


At saka doon na ako tumakbo palabas ng bahay na iyon. Masamang ideya nga na sumama ako sa kaniya. Ano bang naitulong niya sa akin bukod sa paglapat ng madumi niyang palad sa mukha ko?


Pinasadahan ko ng tingin ang paligid at nakita ang mga pamilyar na mukha. Nakatitig ako sa kanila, nag-iisip kung napansin ba nila kung may nakatitig sa kanila na isang tao mula sa kalayuan. Sana wala.


Tanaw ko mula rito ang pabrika na naging tirahan naming dalawa. Nandoon kaya siya? Doon kaya siya nagtago? Sana walang nagsabi na doon kaming dalawa.


Dahil sa oras na malaman kong tama ang spekulasyon sa utak, baka may masaktan pa talaga akong nilalang.


Natatakpan ng malaking building ang pasinag na araw at sa susunod na oras ay magha hari na talaga ang init nito. Sa kalagitnaan ng pagtakbo ko, malamig na hangin ang umihip sa paligid.


Bigla akong nakaramdam ng takot. Uli.


Baka tama lang siya.


Baka tama lang siya na hinahanap kami. Pero hindi ko kayang manatili kasama siya! Kung wala naman pala siyang matutulong at iinsultuhin niya ang kagayang buhay sa kaniya ay salamat na lang!


Sinawalang bahala ko ang dumaloy sa sistema at nagpunta sa likod ng pabrika. Sa harapan ng pinto kung saan lagi kami pumapasok, kinapa ko ang bulsa.


Pero mura ang lumabas sa aking bibig kaysa tuwa! Wala ang susi sa bulsa ko o sa kahit anong bahagi ng damit ko!


Saan napunta iyon?! Bakit wala rito?! Hanggang maalala ko na... nilabhan nga ng lalaking iyon ang damit ko at marahil nilabas niya ang mga gamit sa bulsa!


Pati natirang pera ko ay wala rito!


Gusto kong saktan ang sarili. Bakit hindi ko man lang tiningnan kung kumpleto ba ang mga gamit ko noong binalik niya iyon sa akin?!


Paano ako papasok niyan? Hindi ko 'to pwedeng sirain dahil baka paalisin kami!


Hindi ko na inisip iyon. Pwede pa akong makakuha ng duplicate kay Marvin at ang importante ngayon ay malaman ko kung naparito ba o dito nagtago si Jose.


Iilang pares ng mata ang pumukol sa akin nang humarap ako sa pinaka entrance ng building. Saglit lang ang baling dahil kilala naman na nila ako. May iilan din akong namukhaan na hinayaan lang ako kahit binuksan ko na ang pintuan.


Muli, tinakbo ko ang daan na pwedeng tahakin para mapunta sa likod parte. Takip-takip ang bibig dahil sa nakakasulasok na amoy at parang priniprito ang balat ko sa init.


Hindi ko alam na tama lang si Marvin sa paalala niya sa akin noon. Na mainit dito kapag umaga o oras ng trabaho kaya mabuti kung aalis kami saglit para magtrabaho at iwan ito.


Nang masilayan ko ang pamilyar na kwarto, mas lalong bumagsak ang puso ko. Naka lock din ito! At kahit anong katok ang gawin ko, walang sumasagot sa loob!


Wala si... Jose sa loob.


Gusto kong bumagsak.


Gusto kong umiyak.


Sumigaw.


Magreklamo.


Humiyaw nang humiyaw hanggang mawalan ako ng boses.


Pero sa pagod na nararamdaman? Sa uhaw at gutom? Ni isa ay wala akong lakas na gawin. Nasaid na ang katawan ko sa dapat niyang trabaho, parang kumakapit na lang siya sa manipis na tali.


Isang maling gawain, babagsak na ako.


"K-kuya!" tawag ko sa trabahador na napadaan. Kahit na malabo ang mata dulot ng luhang namumuo, nakita ko siyang tumigil sa paglalakad.


"Nakita niyo po ba si Marvin? O nandito po ba siya?"


"Naku, pasensya na ineng pero umuwi kagabi patulak probinsya. Namatayan sila kaya kinailangan."


Hanggang kailan ba matatapos 'to?


"G-ganun po?" lumunok ako at sumandal sa pader. "E bata po? May nakita po ba kayo na batang lalaki.." at saka inisa-isa ko ang pwedeng pagkakakilanlan ng kapatid.


Pero ang sama-sama talaga ng tadhana. "Kagabi pa ako rito miss, wala pa akong nakitang bata na pumasok diyan. Nagtataka nga ako bakit hindi kayo umuuwi, e."


Agad din siyang nagpaalam at agad ding bumagsak ang katawan sa mainit at maduming sahig. Doon ay hinayaan ko ang sarili na balutin ang sarili gamit ang luha na parang bagyo ang lakas.


Paano ko hahanapin si Jose? Hindi raw siya umuwi.. saan pupunta iyon?


***


"Miss, hindi nga talaga pwede lalo na't nabanggit mo na wala kang pambayad. Sayang naman magiging effort ko sa paghahanap ng picture na gusto mo tapos wala ka pa lang pambayad?"


Nakatulog na ako lahat-lahat pero pakiramdam ko gising ako sa oras na nakapikit ang parehang mata.


Pinapagpapawisan na ang dalawa kong palad na nakasukbit sa kahoy na nasa harapan. Sa harap ko ay ang mga katagang five per print at xerox available here dahil sinadya ko na pumunta sa mga ganito.


Para sana kumuha ng litrato ni Jose sa isang Facebook ng taga-roon at itapal sa mga poste o pader dito sa Maynila.


Kasi baka sa paraang iyon, mahanap ko ang kapatid ko.


Kinapa ko muli ang bulsa, umaasa na baka nagkamali lang ako pero... talagang naiwan ko sa bahay ng matapobreng lalaki na 'yun lahat ng natira ko.


"Kahit isang picture lang? Promise, babalik ako rito para bayaran. Nawala kasi 'ung pera ko kaya.."


"Miss, lumang tugtugin na 'yan. At saka naaksidente na ako niyan, kaya hindi mo na ako madadala sa mga kaplastikan mo na dahilan."


"Hindi! Totoo talaga!" pinakita ko sa kaniya ang bulsa. "Kahit isang papel lang? Para may maipakita lang ako sa mga tao kung nakita nila kapatid ko.."


"Paano natin gagawin kung wala kang cellphone? 21st century na pero wala ka pa ring phone? Hindi ka updated?"


Malalim akong huminga. Hindi ako pwedeng mainis sa mga binabato niya sa akin dahil kailangan ko ng tulong niya.


"Nag-iipon kasi ako at sumakto na nawala... Sige na please? Isa lang talaga! Tatandaan ko 'tong shop mo, babayaran kita kahit triple basta isa lang please?"


"Pasensya na.. hindi talaga.."


"Isa lang... Hindi lang talaga ako mapakali kapag wala akong alam kung nasaan kapatid ko."


"E kung tumungo ka na lang kaya ng pulis? Sa reaksyon mo, mukhang ilang araw nang nawawala iyang kapatid mo. Mas mabuti kung ipapaalam mo na iyan sa mga pulis."


Napalunok ako. "Kaya nga.. bukas pupunta ako. Matutulungan nila ako kapag tutulungan mo ako na magbigay ng kahit isang litrato lang?"


"Ginamit at kinonsensya mo pa talaga ako?" inabot niya ang leeg at mariin na umiling.


"Parang awa mo na... Hindi ako magmamakaawa rito kung nanloloko lang ako. At kung manloloko man ako, kanina ko pa sana kinuha 'tong computer mo at binenta dahil ayaw mo akong tulungan.."


Nanatili sa akin ang mata niya. "Pero hindi ko ginawa kasi totoo talaga ako.. Kapatid ko 'yun kuya, siguro naman may kapatid ka at kapag nawala ay magkukumahog ka na magkalat ng litrato niya hanggang mahanap siya, hindi ba?"


Ito na ang unang pag-asa ko. "Tatanawin kong utang na loob 'to. Kapag nahanap ko si Jose, babalik kami rito at magpapasalamat sa'yo. Siguro naman mabait na sa akin ang tadhana sa mga susunod na araw at kapag nangyari iyon, pangako, babawi talaga ako kapag binigyan mo ako ng hinihingi ko.."


Kung pwede lang abutin siya at doon sa palad niya magmakaawa, gagawin ko. Luluhod sana ako pero hindi naman niya ako makikita kaya hindi ko na nagawa.


"Kahit isa lang.. Isa lang at aalis na ako at babalik kapag nahanap ko na siya. Pangako 'yan. Gusto ko lang talaga malaman kung nasaan na siya. Gutom na gutom na ako... at sigurado mas gutom iyo  kaysa sa akin.."


Pinalis ko ang mga luha. Kahit anong iyak ko naman ay walang matutulong ang mga luhang pumapatak. Bakit ko pa pag-aaksayahan ng oras?


"Isang litrato lang at malaking tulong na iyon... Kahit isa lang.. parang awa mo na.."


Mabigat siyang humugot ng hininga. Ang lakas-lakas ng kabog ng puso ko. Pinanood ko siya na iharap sa akin ang screen ng computer at Facebook kaagad ang nakita ko.


"Anong Facebook account nung kukunan natin ng picture?"


***


"Anong pakay mo miss?"


Dumating muli ang isang umaga at wala pa rin Jose. Pati si Marvin ay hindi pa raw umuuwi. Tinanong ko kung may sinabi bang kailan siya uuwi ngunit wala raw. Ayoko na magmukmok, importante na mahanap ko na kaagad ang kapatid.


Pagkagising ko ay wala pa ring gana ang katawan ko. Pero hindi ako pwedeng gumalaw lalo na't malaki ang chance na baka may mangyari o... nangyaring masama sa kaniya.


Kinakailangan kong gumalaw para matapos na 'to. Kailangan kong magsalita para marinig ako ng lahat.


Halos walang tao dito sa istasyon ng pulis na pinuntahan ko. Dumapo ang parehang mata sa pulis na nagsalita, isang katandaan na puno ng balbas ang mukha.


Lumapit ako sa kaniya at binati. "Baka puwede niyo po akong tulungan?"


"Umupo ka miss.." sinunod ko din naman kaagad ang sinabi. "Anong meron?"


"Nawawala po kasi kapatid ko.." nilapag ko ang isang picture ni Jose na bigay sa akin kagabi. Tatlo ang binigay ng lalaki sa akin at mangiyak-ngiyak ko pa iyon na tanggapin.


Pangako ko talaga na kapag nabawi ko ang pera ko (na kahit imposible na dahil hindi na ako babalik sa lugat na iyon) ay susukliin ko ang kabaitan na pinataw niya sa akin.


Pinanood ko siya na i-eksamina ang litrato na nakita namin kagabi. Nabanggit kasi ni Jose na nasa Facebook daw siya dahil sa litrato na kinunan sa isang kaarawan na pinuntahan niya.


Tutal iyon lang ang alam ko na baka litrato niya, dahil wala naman kaming cellphone, kinuha ko na iyon para kahit papaano ay matukoy ng pulisya ang hinahanap ko.


"Ilang araw na siyang nawawala?"


"Halos dalawang araw na po.." mahina kong sagot.


Tumango siya at may sinulat sa kulay asul na notebook sa harapan niya. "Tutulungan niyo po ba ako?" kagat-labi kong tanong.


Nag-angat siya ng tingin sa akin. Nakaramdam ako ng takot, takot na matagal nang naka-imprenta sa puso ko dahil pulis siya.


Takot kami sa pulis dahil hinuhuli nila ang mga taong natutulog sa labas. Bakit nila hinuhuli kung sadyang wala talaga kaming tirahan? At ang mahal din umupa kagaya ng mga suhestyon nila.


Kinubli ko sa suot na pantalon ang nararamdaman. "Hindi ko masyadong mapapangako miss.."


"Po? Paano pong hindi? Hindi ba kapag may nawawala, kailangan hanapin?"


"Alam ko.."


"O bakit naman po kayo dehado hanapin iyong taon?" binola ko ang palad. "Hindi naman po tama iyan, nasa taumbayan ang serbisyo niyo pero hindi niyo tinutupad?"


Umukit sa mata niya ang galit sa sinabi ko. "Bakit miss? May pera ka ba?"


Bumagsak ang puso ko sa narinig. Masisisi ba nila kami kung bakit ayaw namin sa iilang pulisya ngayon? Kasi iilan sa kanila ay walang malasakit.


Na kaysa gawin ang trabaho, hindi ginagawa.


Na kaysa nasa amin ang serbisyo, pinapanigan nila ang mayayaman.


Ganoon na ba talaga? Kailangan may pera ka muna bago ka matulungan sa isang bagay? Nakakasuka.


"P-pero... bata po kasi 'yung nawawal—"


"Miss, kung iinsultuhin mo lang ang trabaho namin, mabuti na lang kung huwag ka na lang talaga tulungan!" bagsak nito sa hawak na ballpen.


Umangat ang tingin ng iilang pulis sa amin. Mariin akong pumikit. "Puwede ka na umalis, iyan ang kapatid mo. Hanapin mo sa sarili mo!"


Tumayo ako at dahan-dahan kinuha ang litrato. "Grabe kayo 'no? Kayo na nga lang ang nag-insulto sa mga katulad namin na walang pera, kami pa ang masama? Na parang kami pa ang dehado?"


Nakatingin lang siya sa akin. Kung nakakaputol ng hininga ang tingin, wala na ako rito.


"Kasama po ba sa sinumpaan niyo noong nagtapos kayo ay ang tumulong lang sa mga nasa itaas? Kasi kung oo?" ngumiti ako. "isa kayo sa mga pesteng sumisira sa Pilipinas."


At mabilis akong umalis na puro mura ang naririnig ko mula sa loob.


***


"Miss! May napansin po ba kayong bata? Ito po itsura niya,"


"Pasensya na miss, wala."


"Kuya! Baka may napansin kayong bata na ganito, siya po iyan. Nagbabaka sakali na baka nakita mo.."


"Wala miss.."


"Ate! Baka may bumilo sa'yo na bata, ganito itsura? Baka may time na bumili iyon dito?"


"Naku, magdamag na akong nagtitinda hija, wala naman!"


Bagsak ang pawis at panga ko sa naririnig. Paulit-ulit, paulit-ulit na sagot pero ayoko pa ring tumigil. Wala na akong aasahan kundi ito na lang.


Balakin ko man na magtungo sa ibang istasyon ng pulisya, ngunit baka parehas lang sila sa una kong napuntahan. Baka... ayaw din nila akong tulungan.


Limang araw na siyang nawawala... limang araw na walang balita... walang kaalam-alam sa nangyari sa kaniya..


Bakit hindi siya umuwi sa kuwarto namin? Bakit hindi niya pinili magtago roon?


Kay daming tanong pero si Jose lang ang makakasagot.


Sumandal muna ako sa pader at marahas na humugot ng hininga. Pababa na ang araw at wala pa rin kahit anino ng kapatid ang nakikita.


Gusto kong uminom. Nauuhaw ako. Pero wala pa rin akong pera. Hindi ko na babawiin iyong naiwan ko, mas pipiliin kong magtiis kaysa makita pa ang mukha ng lalaking iyon.


"Nakipag-ugnayan na ang kampo ng nasabing engineer sa pamilya ng nakabanggan sa kotse. Giit ni Engineer Galang na pawang aksidente ang lahat at hindi nito intensyon ang anumang karahasan. Dahil hindi naman niya kilala ang nakabanggaan. Ang kabuuan ng report ay susunod na.."


Napatingin ako sa TV sa tabi. Nakabukas iyon at ang iilang kumakain ay nanonood doon. Hindi ko na lang pinansin at nagpatuloy sa ginagawa.


Paulit-ulit na mga salita lang ang binibigkas ko, at pare-pareha ang mga sagot na nakukuha ko. Wala raw. Wala raw silang nakikita na kapatid ko.


Wala silang alam sa puwedeng nangyari sa kaniya.


Pagbalik ko sa pabrika, mabigat pa rin ang loob ko. Kahit ipilit ko na magpatuloy, kailangan ko na rin magpahinga dahil sigurado na hindi na ako makakagalaw kinabukasan. Lalo na kung pinagpatuloy ko pa ito.


Pinaghalo-halong pagod, uhaw, gutom ang nararanasan. Hindi alam kung paano pa nakakayanan.


"Miss.." napalingon ako sa nagsalita. Isang trabahador. "Nahanap mo na?"


Malungkot akong umiling. "W-wala pa rin po, e."


Napaupo na ako sa sahig, humiyaw siya sa nangyari pero ngumiti lang ako. Hinimas ko ang sikmura, umaasa na baka mabusog ako sa magaan kong kamay.


"Kumain ka na ba?" nagsimula siya maglakad palapit.


"Okay lang po ako.."


"Namumula ka at namumuti labi mo.." iniwas ko ang mukha para hindi niya makita ang mukha ko.


Gustuhin man na paalisin siya, ayoko naman magkaroon ng kaaway dito. Baka mapaalis ako lalo na't wala si Marvin na magtatanggol sa akin.


"Diyan ka lang, kunin ko iyong natira ko kanina."


Limang minuto at may inalok siya sa akin na pagkain na mukhang pagkain niya kaninang tanghali at tubig.


"Mabuti kung kainin mo na 'yan ngayon, nakakatakot na iyong kulay mo hija, para kang mahihimatay kahit anong segundo."


Hindi ako sumagot bagkus uminom ako. Nakalahati ko iyon at malugod na tumungo sa kaniya.


"Parang ilang araw na ata, ah? May alam ako na baka pwedeng makatulong sa'yo.."


"Ano po?"


"Sa radyo? Kapatid ng asawa ko e nagtratrabaho sa istasyon ng radio. Halika, pwede ka mag-announce tungkol sa hinahanap mo."


Kumalabog ang dibdib ko. "T-talaga po?'


"Gusto mo ba?"


Walang ano-ano ay iniwan ko ang pagkain sa loob ng kwarto. Dala ko ang tubig dahil sapat naman iyon sa akin sa ngayon. Ang importante ay makapunta ako sa tinutukoy niya.


Dahil kung totoo, pwedeng marinig ako ni Jose kung nasaan man siya ngayon!


"Open pa ba kayo sa mga panawagan?" tanong niya sa isang lalaki. Pinasadahan niya ako ng tingin at inalis din kaagad. "Ito kasing kakilala ko e ilang araw na hinahanap ang nawawalang.."


Sumenyas siya sa akin. "Kapatid," sagot ko.


"Iyon! Kapatid! Sana puwede pa? Nakakaawa na kasi. Halatang balisa sa pagkawala ng kapatid kaya sana matulungan niyo dahil sino namang hindi kakabahan kapag nawala ang mahal mo sa buhay, hindi ba?"


Parang sasabog ang puso ko. Mabuti na lang ay buong araw bukas ang panawagan. Kinausap ako ng lalaki na puwede akong manawagan ngayong gabi at bukas.


Pero ang ihahayag bukas ay kung ano ang sasabihin ko ngayon. Na agad ko namang sinang-ayunan. Aarte pa ba ako?


"Partner, mayroon tayong kasama rito na kaawa-awa dahil nawawala pala ang kapatid! Sino ba naman hindi matatakot kapag nangyari iyon, 'di ba?"


Kasalukuyan kong inaayos ang headphone na binigay sa akin. Isuot ko raw iyon dahil kailangan.


"Talaga, partner? Naku! Ang hirap niya lalo na't nasa Maynila tayo pero hija," sumulyap sa akin ang lalaki. "Anong pangalan mo at para makilala ka namin at ng lahat.."


Linapit sa akin ang kulay itim na mic. "Odyssey po."


"Odyssey! Ang ganda ng name!"


"Kaya nga! Pero anong buong pangalan mo?"


Bigla akong kinabahan. "Odyssey lang po, e.."


Naguluhan ang dalawa. Makaraan ang saglit ay may lumapit sa kanila at sinabi ang buhay ko. Maaring iyong sinabi ko kanina ang sinabi sa kaniya.


"Oops! Pasensya na Odyssey, hindi namin alam.." ngumiti siya sa akin. Wala akong sagot.


"Ayun nga, ano nga bang nangyari? Kailangan natin ishare para alam ng lahat kung ano talagang naganap, 'di ba partner?"


"Magandang masabi mo dahil alam ko na baka isa iyan sa dahilan bakit ka balisa. Iyo ang on air hija, sige.."


Sinabi ko ang nangyari pero hindi ko binanggit na tumakbo kami palayo sa trabaho namin. Basta binanggit ko lang na tumakbo kami at biglang wala na siya sa tabi ko.


Hindi naman nagtanong ang dalawa o kaya walang nakapansin na putol-putol ang sinasabi ko.


"Nakakalungkot!"


"Kaya nga, sige, manawagan ka na Odyssey. Malay mo, may radyo kalapit sa kapatid mo at nakaantabay sa amin, maririnig ka na niya!"


Isang pag-asa ang umusbong sa loob ko. Nagsimula na ako magsalita, iniisip na nakikinig talaga siya at nakiusap na bumalik na sa amin dahil hindi ko alam ang gagawin kapag hindi ko siya kasama.


Nagpasalamat ako pagkatapos at iilang saglit matapos ang panawagan ko ay marahas akong inalis sa upuan at sinabi na hintayin na lang ang tawag nila at ang uulitin na panawagan bukas.


May kung ano sa tingin ng tumulong sa akin, dahil sa biglang pagkakaroon ng walang pakielam ng iba. Natapos lang ako manawagan, pinaalis na nila ako na parang ayaw nila ako manatili sa loob.


Hindi ko inakala na kagaya rin sila ng mga taong naka-asul na uniporme.


"Pasensya na sa nangyari.." bulong nito.


Mariin naman akong umiling saka ngumiti. "Malaking tulong na po na nakapanawagan ako. Salamat po, ah?"


Pilit na ngiti lang ang binalik nito.


Kinakailangan na niya magpaalam kaya hinayaan ko na siya. Kasabay ng pagliwanag ng mga ilaw sa poste ay isang pagbalot ng dilim sa puso ko.


Ano na namang hinihintay ng bukas sa akin?


***


Nagising na lang ako kinabukasan na parang naubusan ako bigla ng hangin. Lumapit ako sa bintana at sumagap ng kaunti at kahit papaano, kumalma ang kalamnan ko.


Nanaginip kasi ako... na wala na raw si Jose. Hindi ko alam kung bakit, paano, anong namgyari pero nakita ko lang siya na paakyat sa langit. Tapos... bigla na lang akong nagising.


Sabi nila, kasalungat ng realidad ang panaginip. Pilit kong sinasaksak iyon sa isipan hanggang kumalma ako.


"Buhay si Jose.. Buhay ang kapatid mo, Ossey." paalala ko sa sarili.


Lumabas ako para lumapit sa radyo na binanggit sa akin kagabi. Tatlumpu't minuto na lang at maririnig ko na muli ang panawagan ko.


Narinig kaya niya iyon kagabi?


Sana naman.. dahil maririnig niya ito.


Pero lumipas ang segundo, minuto, oras, dumami na ang mga trabahador sa paligid ko ay wala akong narinig na boses ko!


Malinaw pa sa hangin sa probinsya na alas nueve uli ang oras para ipanawagan lahat ng panawagan tapos... kainan na ng tanghalian... wala akong narinig na boses ko.


Parang hinati sa dalawa ang puso ko, tumakbo ako palayo sa radyo dahil baka masira ko lang iyon sa galit na nararamdaman.


Nangako sila, e! Tinanggap ko ang marahas na pagpapaalis nila sa akin dahil alam ko na kapag bumawi ako, hindi nila ieere ang panawagan ko! Pero anong nangyari?!


Wala!


Almusal at tanghalian ko na ata ang luhang namumuo sa mukha ko. Hindi ko alam kung saan pupunta, sari-saring mga sigawan na ang naririnig.


Marahil para sa akin o hindi.


Iilang busina na ang umalingawngaw sa paligid at alam ko na dahil iyon sa akin.


Wala rin akong ideya kung bakit bigla na lang akong tumakbo. Basta ang alam ko lang... sa paraan na 'to ay mawawala pansamantala ang dinadala ko.


Hindi na pamilyar na lugar ang nakikita ko pero hindi ako nagpadala. Hanggang sa bumagsak na lang mismo ang sarili ko sa isang talahiban, sa harapan ng pamilyar na bahay.


Napasigaw ako sa sakit dahil ang higpit-higpit ng pamumulikat ng paa ko. Sinubukan ko masahiin iyon pero walang epekto!


Sumunod ang sakit sa ulo at sikmura. Walang nagawa kundi bumagsak na lang sa nagbabagang daan at umiyak.


Pagod na pagod na ako.


Hindi pa ba ako papakinggan ng Panginoon?


Kailan Niya ako maririnig? Kailan Niya hahayaan ang sarili na ako naman ang pakinggan?


Akala ko ba mahal Niya lahat ng mga tao sa mundo pero bakit... bakit?


Nalulunod na ako sa mga iniisip, sa mga luhang dumadaloy sa buong mukha.


Unti-unti nagsimula mawalan ng pakiramdam ang iba't-ibang parte ng katawan. Dahan-dahan.. hanggang pagdilat na lang ng mata ang nakakayang gawin.


Ang maliwanag na kalangitan na lang ang nakikita ko.


Hanggang sa may biglang tumigil na kotse sa tabi ko at may bumabang mga tao roon.


Parang paralisado na ang katawan ko para gumalaw pa. At ang tanging nagawa ko na lang ay marinig ang gulat nilang mga salita hanggang bumagsak na naman ako sa kawalan.


"Tang ina pare! Ito 'ung muntikan mapatay ni David! Pero akala ko ba tumakas siya?! Bakit nandito iyan at... parang pagod na pagod?"

Comment