Chapter 24


NAPAKUNOT ng noo si Elaine nang marinig ang mahihinang katok sa pintuan ng office niya. Wala pang alas-nueve. At wala siyang inaasahang bisita.


Mabigat ang pakiramdam niya dahil nagbantay siya magdamag sa ospital. At idagdag pa doon ang pag-aalala niya. Alas-singko na ng madaling-araw nag-text si Red na nahanap na daw si Moira sa bahay ng isang kaklase nito.


Naulit ang katok.


Tumayo si Elaine at lumapit sa pintuan. Ganoon na lang ang gulat niya nang makita kung sino ang nakatayo doon.


It was Lisbeth. At may ideya si Elaine kung bakit ito nandito ngayon.


Ayon kay Red kaninang umaga, may naririnig-rinig na daw pala si Moira na usap-usapan tungkol sa relasyon nila. Hindi naman daw agad na naniwala si Moira. Pero nakita daw ni Moira ang mga in-upload na mga picture ng Induction Ball sa social media account ng SGBA. Iyon daw ang dahilan kung bakit binayaran ni Moira ang kasamahan nito sa Teatro na magpanggap na naka-one-night stand ni Red. At nang malaman ni Moira na kinumpronta ni Red ang babaeng pinagpanggap nito, naglayas si Moira. Natatakot daw kasi ito sa puwedeng gawin dito ng mga magulang nito dahil sa ginawa nito.


"Puwede ba akong pumasok, Miss Elaine?"


Niluwangan ni Elaine ang pagkakabukas ng pinto. "Come in, Attorney Briones," aniya. Itinuro ang upuan. "Please take a seat."


Pumasok naman si Lisbeth pero hindi ito naupo. "Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, Miss Elaine," anito. Tumikhim ito. "I don't give a damn whatever it is that's going on between you and Red. Pero kung ganitong naaapektuhan na ang anak ko, I'm sorry. Kakailanganin ko nang makialam."


Pinigilan ni Elaine ang mapabungtong-hininga. "Attorney Briones, sa tingin ko si Red dapat ang kinakausap mo."


Bahagya itong ngumiti. "Nag-usap na kami. Hindi niya alam na pupuntahan kita."


"Dahil ba 'to sa paglalayas ni Moira?"


Tumango si Lisbeth pero tila pinag-iisipang mabuti kung paano sasabihin ang nasa isip. "She feels so betrayed," anito.


Tumango si Elaine. "I know," mahinang wika niya. Naiintindihan niya ang nararamdaman ni Moira.


"I know you're a good person. Miss Elaine. Alam kong puro maaayos ang teachers na tinatanggap ni Ninang Lerma dito sa MCA."


Hindi inaasahan ni Elaine ang narinig. At hindi siya tanga para hindi isipin na sinadya talaga ni Lisbeth ang pag-namedrop. At ang pangalan pang binaggit nito ay ang pangalan ng may-ari ng MCA. Pero pinili ni Elaine huwag na itong patulan. Walang magandang ibubunga iyon.


Pero bago pa makaisip si Elaine ng sasabihin ay hinawakan na ni Lisbeth ang sentido nito na para bang nahihilo. Bahagya itong umiling. "I'm sorry. Mukhang hindi maganda ang kinalabasan ng sinabi ko."


If Lisbeth was sincere with her apology, Elaine did not know. Pero tumango siya. "It's okay."


Ngumiti si Lisbeth. "Alam ko naman na wala akong karapatang makialam sa gusto n'yong gawin, pero sana maging discreet kayo. Ikaw mismo alam mo na may pinagdadaanan si Moira."


Napalunok si Elaine. Hindi niya lubos maisip kung paano gagawin ang ganoon. Alam niyang lalo nang titindi ang mga duda ni Moira ngayon. Hindi niya alam kung paano pa sila magtatago ni Red.


"Mauna na ako. Naistorbo na kita," wika ni Elaine. "Have a nice day, Miss Elaine."


Hindi na siya nito binigyan ng pagkakataon na sumagot dahil agad na itong tumalikod.


Parang nauupos na kandilang umupo si Elaine sa upuan para sa bisita. Pumikit siya. 

Comment