Chapter 14


"SALAMAT SA pagpunta, Miss Elaine," wika sa kanya ng secretary ng SGBA na si Miss Chen. "Blockbuster ka, Ineng."


Tumawa si Elaine. Napakarami kasing nagtanong sa kanya. Inabot na tuloy sila ng alas-sais bago natapos ang open forum. "Masaya po ako na kahit papaano ay nakatulong ako."


Ngumiti si Mrs. Chen. "'Punta ka sa induction ball namin, ha? Para mai-award naman sa inyo nina Colonel ang plaque of appreciation."


"Induction ball, ho?" Hindi akalain ni Elaine na mayroon pang ganoong drama ang mga ito.


"Oo, sa Thursday. Manunumpa kami na mga bagong set ng officers. Although formality na lang 'yon kasi dapat last month pa iyon noong bago kami nag-take-over. Na-postpone lang kasi dahil maraming nag-out of the country na members."


"Titingnan ko po."


"Ano'ng titingnan mo? Pupunta ka," wika ni Red na biglang sumulpot sa tabi niya.


Ngumiti si Mrs Chen. "Tama, Red, huwag kang titigil hanggang hindi bumigay ang magandang dalagang ito. No pun intended, of course." Binuntutan nito iyon ng halakhak.


Ramdam ni Elaine na nag-init ang pisngi niya pero nakitawa siya para itago ang nararamdaman niya.


"Ano, tara na?" wika ni Red.


"Kung hindi ka na busy," aniya. Napangiwi si Elaine nang gumuhit ang kidlat na sinundan ng isang napakalakas na kulog. Mukhang uulan pa yata. Kung sabagay, kanina pa makulimlim ang panahon.


"Sila na ang bahala dito," wika ni Red. "Alis na tayo bago pa bumuhos ang ulan."


"Oo nga," aniya. Iyon ang inaalala niya. Nasa sampung kilometro din kasi ang layo ng Sitio Guho mula sa sentro ng bayan. At kailangan pa siyang ihatid ni Red sa kanila sa San Quintin. Kinuha na ni Elaine ang mga gamit niya.


"Umaambon na," wika ni Red. "May payong ka ba?"


Umiling si Elaine. Nakalimutan niyang magdala. "Ambon lang naman," aniya. Pero sa sandaling namutawi iyon mula sa bibig niya ay lumakas na ang patak ng ulan sa bubungan ng covered court kung saan sila naroon. At hindi ganoon kalapit ang kinapaparadahan ng pick-up ni Red.


"Sino po'ng may extra na payong?" tanong ni Red sa mga kasamahan nito.


"'Eto, Red," wika ng isang ginang na hindi na maalala ni Elaine kung ano ang pangalan. "Medyo maliit nga lang."


Three-folds iyon. Bulaklakin na orange.


"Paano po kayo?"


"Tatawagan ko na lang ang driver ko," anito. "May isa pang payong doon."


Nang makapagpasalamat ay nagpaalam na rin sila. Si Red na ang nagbukas ng payong. "Let's go," anito.


Napangiti si Elaine sa hitsura ni Red. Bukod kasi sa bulaklakin, napapalibutan pa ng ruffles ang payong.


"Bakit?" tanong nito.


"Bagay na bagay sa 'yo ang payong."


Tiningala ni Red ang payong bago tumingin sa kanya. "He-he," exaggerated na tawa nito. "Hindi kita pasukubin d'yan, eh."


Lumabi si Elaine. "Para namang matitiis mo ako."


"Huwag mong pinapahaba 'yang nguso mo, binibini. Mahipan 'yan ng hangin, sige ka.."


Sinimangutan ito ni Elaine. "Kung anu-ano kasi ang sinasabi mo. Tara na nga."


Niyakap ni Elaine ang bag niya para hindi iyon mabasa at inihawak ang isang kamay sa payong. Nagsimula na silang maglakad ni Red.


Pero dahil hindi kalakihan ang payong, napadaiti ang braso niya sa braso ni Red. Bahagyang lumayo si Elaine. Para kasi siyang napaso.


"Nababasa ka na," wika ni Red. "Tayong dalawa ang magpapayong. Hindi lang ako."


Ganoon na lang ang gulat ni Elaine nang bigla niyang maramdaman na pumaikot ang kamay ni Red sa likod niya bago iyon dumantay sa braso niyang basa na ng ulan. Hinapit na rin siya nito.


Her first impulse was to push him. Pero magmumukha siyang tanga kapag ginawa niya iyon. Isa pa higit pa kaysa doon ang nagawa na ni Red sa kanya noon. Naglandas na ang kamay nitong iyon sa buong katawan niya. Ang mga labi nito ay...


Pinilit palisin iyon ni Elaine sa utak niya.


Pero hindi madaling gawin iyon. Sa sobrang lapit kasi nila sa isa't-isa ay naamoy na niya ang cologne ni Red. Bahagyang-bahagya lang iyon. And it smelled really good. Red smelled really good.


Napapitlag si Elaine nang marinig niya ang pagtunog ng binuksang lock ng sasakyan. Hindi niya maipaliwanag ang panghihinayang na naramdaman niya nang bitawan siya ni Red para hilain ang pintuan sa tapat ng front passenger seat.


"Pasok, bilis," anito. Agad din nitong isinara ang pintuan at umikot na sa driver's side.


Binuksan ni Elaine ang bag niya at naglabas ng panyo. Pinunasan niya ang braso niya.


May patsi-patse na ng tubig ulan ang suot ni Red na dark blue polo nang makaupo ito. Sa pagsara nito sa payong ay natalsikan ng tubig ang jeans nito. Hinila nito pasara ang pinto pagkatapos ay agad nang binuhay ang makina.


"Lakas ng ulan 'no?" wika nito.


Hindi niya magawang sumagot.


Dumukwang si Red sa likod at may inabot. Napapitlag si Elaine dahil muling napadaiti ang braso nito sa basang manggas ng blouse niya. At ganoon na lang ang pag-init ng pisngi ni Elaine nang maramdaman niyang tumayo ang mga balahibo niya.


Nang umayos si Red ng upo ay hawak na nito ang box ng facial tissue. Humila ito ng ilang pirasong tissue pagkatapos ay ipinunas sa mukha at sa braso.


Napansin ni Elaine na may hibla ng tissue na dumikit sa sentido ni Red. At bago pa niya mapigilan ang sarili niya ay naiangat na niya ang kamay niya palapit sa mukha ni Red.


Natigilan si Red. Ngunit sandaling-sandali lang iyon. Tila kaagad din na nakabawi si Red. Hinawakan nito ang kamay niya.


"T-tatanggalin ko lang ang dumikit na tissue," aniya.


Hindi nagsalita si Red. Pero nanatili itong nakatitig sa kanya at hindi pa rin binibitawan ang kamay niya.


"R-red," mahinang wika niya. Gustuhin man ni Elaine ay hindi na niya magawang ilayo ang mga mata niya sa mga mata nito.


Bumaba ang mga mata ni Red sa mga labi ni Elaine. Lumunok.


"There's this one thing I've been wanting to do all day," anas nito.


Pakiramdam ni Elaine ay tuyung-tuyo na ang lalamunan niya. "A-ano?" kunwa'y tanong niya. Pero alam niya kung ano ang ibig sabihin ni Red. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakita niya ang ganoong ekspresyon sa mga mata nito.


Anim na taon na ang nakakaraan ay ganoon din noon kapungay ang mga mata ni Red bago siya nito hinalikan.


Hindi dapat mangyari ang ganito. Pero hindi na magawang pigilan ni Elaine ang sarili niya. She found herself waiting... anticipating.


Nang ilapit ni Red ang mukha nito sa mukha niya ay napalunok na rin si Elaine. At nang dumampi ang mga labi ni Red sa mga labi niya ay napapikit na siya.


Sa una ay tila tinutukso-tukso lang ni Red ang mga labi ni Elaine pero makaraan ang ilang sandali ay naging mapusok na ang halik. Natagpuan na lang ni Elaine na gumaganti na siya sa bawat paggalaw ng mga labi ni Red.


Nang lalo pang lumalim ang halik ay humawak siya sa dibdib ni Red.


Hinapit ni Red ang baywang ni Elaine habang marahan nitong hinahaplos ang likuran niya. Ang init na nagmumula sa palad nito ay tila nanunuot hanggang sa kaluluwa ni Elaine.


Noon biglang may may kumatok sa bintanang nasa tapat ng driver's side.


Napamura si Red sa pagitan ng mga labi nila.


Naitukod naman ni Elaine ang mga kamay niya sa dibdib ni Red. "Oh, my God," usal niya.


Hinaplos ni Red ang pisngi ni Elaine. "Relax, heavily-tinted ang mga bintana," bulong nito. Pero binitawan na siya nito.


Umayos ng upo si Elaine. Humugot siya ng malalim na hininga. Dahan-dahan niyang ibinuga iyon bago muli na namang humugot ng malalim na hininga. Napansin niyang hindi na ganoon kalakas ang ulan.


Binuksan ni Red ang bintana. "Boss," wika ni Red sa kumatok nang tuluyang mabuksan iyon.


Kahit mabilis na mabilis pa rin ang tibok ng puso ni Elaine ay tumingin din siya sa gawi ng bintana. Nakita niya doon ang nakapayong na may-ari ng pinakalamaking chain ng punerarya sa probinsya nila. "Hi, po," aniya. Mabuti na lang at madilim sa loob ng sasakyan. Sigurado kasi siyang pulang-pula ang mukha niya.


"Miss, Elaine," nakangiting bati sa kanya ng lalaki bago muling tumingin kay Red. "Alas-diyes na lang daw tayo, bukas, Red," anito. "Marami raw ang may lakad ng ala-una, eh."


"Okay, boss," wika ni Red.


Muling ngumiti ang lalaki bago nito tinampal ang bubong ng pick-up. "Pa'no, ingat na lang," anito.


"Kayo din po," wika niya.


Nang maisara ni Red ang bintana ay tumingin ito sa kanya. "Well?"


"Well, what?" patay-malisyang wika niya.


"Walang sequel?"


Tiningnan niya si Red nang masama. "Uwi na tayo. Baka lumakas pa ang ulan."


Umiling si Red. Lumapad ang ngiti. Pero hindi umimik.


"Ano?"


"Nothing," anito. Pero ginagap nito ang kamay niya bago dinala iyon sa mga labi nito.


Hindi na nito binitawan ang kamay niya hanggang sa makarating sila sa tapat ng bahay nila.

Comment