Chapter 19


<BEEN DOING some research. Have read lots of nasty comments about FSOG.>


Muntik nang mapahalakhak si Elaine sa natanggap na text message galing kay Red. Buo ang lahat ng mga salita pero in-abbreviate nito ang Fifty Shades of Grey. Pumindot si Elaine sa cellphone niya.


<Obvious nga na nag-research ka. Pati abbv na FSOG alam mo.> Sent.


Ipinulupot ni Elaine sa tinidor niya ang spaghetti. Sumubo siya. Muling tumingin sa cellphone niya nang tumunog iyon. Si Red uli.


<Seryoso ako. I'm worried.>


Uminom si Elaine ng iced tea. <OA ka. Matalino ung anak mo. Curious lang un. Panoorin mo na lang ang FSOG.> sagot niya.


Makalipas ang ilang sandali, muling sumagot si Red. <Will do... if, and only if, you'll watch it with me. Later?>


Natawa si Elaine. Hindi niya ma-imagine kung ano ang gagawin niya kung sakaling 'laters, baby' ang i-t-in-ext sa sa kanya ni Red. Pumindot siya. <Baliw!> Sent!


<I need someone credible to enlighten me about BDSM.>


<Tse!> Sent! Muli siyang ngumiti.


"Iba talaga ang mga in-love. Halos mamilipit na sa kilig!"


Nag-angat ng tingin si Elaine. Nakita niyang nakatayo sa harap niya si Amelia. Ibinaba nito ang hawak na tray sa lamesang inookupa na niya.


"Kung anu-ano'ng sinasabi mo," aniya.


Naupo si Amelia sa tapat niya. "'Yang mga ngiti mo ang may sinasabi. Ang tamis."


"Wala na talaga kayong ibang nakita ni Doreen kundi ako."


"Eh, ikaw lang ang blooming, eh. Mamula-mula pa ang pisngi," wika ni Amelia. "Happy ka?"


"Super," amin niya.


Tiningnan siya ni Amelia nang pailalim. "In-love ka na?"


Hindi na napigilan ni Elaine ang pagguhit ng ngiti niya. Kung mayroon mang na-realize si Elaine kaninang madaling-araw pagkahatid sa kanya ni Red, iyon ay ang hindi lang niya basta gusto si Red. Hindi na siya bata para hindi masabi na kakaiba ang nararamdaman niya. She did not know if it was love. Pero kung hindi man, malapit na iyon doon. Nagkaroon ng kulay ang monotonous na buhay niya nang makasama niya si Red. Masaya siya sa piling nito. Isipin pa lang niya na muli na naman niya itong makikita mamaya ay para nang lumulutang ang puso niya.


"Tatawanan mo ba ako kapag sinabi ko na feeling ko... feeling ko pa lang naman, na in love na ako?"


Pinandilatan siya ni Amelia. "Hindi, ah. Matutuwa ako," wika nito. "So, seryosohan na? Official nang kayo?"


Doon na napahugot ng malalim na hininga si Elaine. Ang sinabing iyon ni Amelia ang nagbigay ng boses sa lahat ng mga bumabagabag sa kanya.


She knew Red liked her. Halata naman iyon. Pero hindi niya alam kung ano ang talagang nararamdaman nito para sa kanya. Habang siya, lalong lumalalim sa paglipas ng mga araw ang nararamdaman niya para dito.


At pagkatapos ng nangyari sa kanila kagabi...


"O, ano'ng problema?"


"I don't know how he feels about me."


"Wala pa rin bang sinasabi?"


"Wala."


"Eh, baka sino-sort pa lang niya 'yong mga nararamdaman niya," katuwiran ni Amelia.


"Paano kung pagkatapos niyang i-sort, eh, ma-realize niya na hindi pala niya talaga ako gusto? Paano kung tuluyan na akong malulong? Paano kung mabuntis ako at iwan din?"


Hindi naman tanga si Elaine. May isip siya. But her attraction to Red was just too strong too resist. Kung hindi siya mag-iingat, baka kung saan siya pulutin.


"If you can't be good, be careful," wika ni Amelia. Binuntutan nito iyon ng tawa. "Magkano lang ang contraceptives."


Tiningnan niya si Amelia ng masama. "Seryoso ako."


"Eh, seryoso din naman ako."


"Natatakot nga kasi ako, Amelia."


Sumimangot si Amelia. "Saan? Sa sasabihin na naman ng mga kapamilya mo? Sa gagawin ng anak ni Red?"


Hindi siya sumagot.


Pumalatak si Amelia. "Bakit ka ba kasi nagpo-focus sa mga rason kung bakit hindi kayo puwedeng maging masaya? Mas maganda kung ang iisipin mo ay kung paano kayo magkakaroon ng happy ending. Hindi maganda 'yang nega."


Hindi inaasahan ni Elaine ang narinig niyang iyon. Kadalasan kasi ay puro pambubuyo at pang-aalaska lang ang ginagawa ni Amelia sa kanya. "Sa'n mo napulot 'yan?"


Tumawa si Amelia. "Madami akong words of wisdom, 'no. Hindi lang halata."


"So, you're telling me I should just go with the flow? Ganoon?"


"Kung saan ka masaya," anito.


Hindi siya sumagot.


"Kung tutuusin, hindi naman ganoon kalaki ang problema mo," wika ni Amelia. "You have him. Mas masuwerte ka kaysa sa ilang porsiyento ng mga kababaihan sa mundong ito na naglalaway lang habang tinitingnan sa malayo ang lalaking mahal nila dahil hindi nila kayang abutin."


Humugot siya ng malalim na hininga. "Bakit kasi kailangang kumplikado, 'no?"


"Eh, puwede namang huwag mong isiping kumplikado. Mahal mo siya, masaya ka naman, magtira ka lang para sa sarili mo, tapos! Just cross the bridge when there's a bridge."


"Korni mo!"


Pinandilatan siya nito. "Kasi posible namang walang problema 'di ba?"


"Sabagay," aniya. "Eh, kaso nga may mga taong-"


Itinaas ni Amelia ang kamay nito. "Oo na, alam ko na. Maraming taong maaapektuhan? Back to square one." Frustrated na nagbuga ng hangin. "'Hirap kasi sa 'yo lagi na lang 'yong iba ang iniisip mo. Huwag magpakamartir! Hindi ka naman papatayuan ng monumento sa Luneta. Isa pa, hindi na rin masyadong prestigious ang magkaroon ng moumento sa Luneta sa mga panahon ngayon. Nilalagyan na ng photobomber na skyscraper ang likuran."


Napailing na lang si Elaine. Nakikita naman niya ang punto ni Amelia. Kapag nagpadala siya sa takot, walang mangyayari sa kanya.


Noon pumasok ang ilang mga estudyante sa canteen. Kasama doon si Moira.


"Uh-oh," wika ni Amelia.


Bumilis ang tibok ng puso ni Elaine. Ramdam niya ang pagbangon ng guilt mula sa dibdib niya.


Naramdaman marahil ni Moira na may nakatingin dito kaya luminga-linga ito. At nagtama ang mga mata nila.


Sa kabila ng bigat ng dibdib ay pinilit ni Elaine na ngumiti. Sinuklian din naman ni Moira ang ngiti niya pero bumaling din agad ito sa kasama nito.


"Alam na yata niya, Amelia."


Tumaas ang isang kilay ni Amelia. "Saan mo naman nabasa sa body language ni Moira na alam na niya ang dark, delicious secret n'yo ng tatay niya?"


"I don't know. Gut-feel?"


"Praning ka lang," wika ni Amelia. "Guilty ka kasi."


Napahugot na lang si Elaine ng malalim na hininga. "Paano kung sugurin ako ni Moira?"


Ikiniling ni Amelia ang ulo nito. Bahagya itong sumimangot. "Hindi naman siguro."


"Nagawa niya kay Kaycee," wika ni Elaine.


"Eh, iba naman 'yon," wika ni Amelia. "Teacher ka dito. Kahit papaano siguro mangingimi siya na gawin ang ganoon sa 'yo."


Kahit papaano ay nabuhayan ng loob si Elaine sa sinabi ni Amelia. "'You think so?"


Ngumiwi si Amelia. "Honestly, hindi. Hindi natin alam kung hanggang saan ang kayang gawin ni Moira.."


Napapikit na si Elaine. Tuluyan nang nalaglag ang mga balikat niya.

Comment